Sino kaya si 2012-49296?

May 4, 2012

Nakapasa kaya siya sa UPCAT? Pina-reserve niya kaya ang slot niya? Ano kaya course na kinuha niya? DPWS kaya siya? Recon? Proud passer?

Tumuloy kaya siya ng UP? Anong campus siya pumasa?

Hindi ito tanong ng creeper o stalker. Tanong ito ng isang estudyanteng may parehong student number.

Lahat ng nag-take ng UPCAT may registration number na magiging marka nila sa unibersidad mula nang bumalik sa kanila ang stub para makapag-UPCAT hanggang makagraduate sila sa kanilang kurso. ID mo ang student number mo. Marker mo sa unibersidad kahit saan ka pa mapadpad sa loob ng campus mo.

Pero syempre kung hindi kukunin ng nakapasa ang pagkakataong mag-aral sa UP, marahil sa dahilang kapos siya sa pang- tuition, mawawala na rin ang numerong ito.

Di ko naisip kung sino ang mga nakaraang gumamit ng student number na ‘to pero ako ang may hawak sa kanya ng medyo matagal na panahon na. Marami na ring nagdaan bago makarating kay 2012, isa ako sa dinaanan at eto, nag-aaral padin. Nagsusumikap padin. Nakukuha padin ngumiti sa kabila ng mga taong inilagi ko sa unibersidad. Tuloy padin, konting lakad pa, konting tiis pa.

Kaya kung sino ka man na magtutuloy ng student number na 49296, sana nakapasa ka at nagpasiyang pumasok sa UP. Galingan mo. Tibayan mo ang loob mo. Madugo at matinik ang mga daang tatahakin mo, pero wala namang daan na madali. Sana mahal mo ang kurso mo at mahalin mo pa itong lalo, at sana isa ka sa mga ma-swerteng makakapagtapos ng hindi huli sa mga magiging ka-batchmate mo.

Marami kang makakaharap na mga tao, marami kang makikilala at magiging mga kaibigan. Wag kang matakot sa mga propesor at guro na hindi namimigay ng uno, hindi ka rin naman kasi bibigyan ng uno paglabas mo ng unibersidad at hindi rin uno ang hanap ng mga pagtatrabahuhan mo.

Sana hindi mawala sayo ang paghanga mo sa papasukan mong campus, ang paghanga at pagakamangha at lahat ng masasayang mararamdaman mo, pati na kilig, sa simula ng bagong yugto ng buhay mo- mapa-Diliman, Manila, Pampanga, Los Banos, Visayas (dalawa dito!), Baguio o Mindanao man ang mapasukan mong campus. Sana kada pagpasok mo ng UP,hindi mawala ang excitement na madarama mo sa unang araw ng klase. Sana hindi magmaliw ang kilig mo pati na ang konting kaba sa freshie year mo.

Sana mapanatili mo ang masayang aura ng isang Freshie hanggang maging Senior kana. At kung wala ka man nito sa unang araw mo, sana magkaroon ka ng kakaibang pakiramdam na saya sa mga dadating mong araw sa UP.

Enjoy-in mo at pahalagahan ang pagkakataong makapag-aral. Hindi na ‘yung sa UP ka nakapasok (pero masasabi mong advantage yun) kung ‘di yung mismong naituloy mo pa ang edukasyon mo hanggang tersyarya. Hanggang kolehiyo. Hindi lahat ng mga katulad mong “Freshie” ngayong papasok na semestre ay makakapasok ng eskuwelahan lalo pa ng unibersidad.

Galingan mo ha? 😀

Advertisements